Kung sa Tama Ka, Malaya Ka

Kung sa Tama Ka, Malaya Ka

Paano mo paninindigan ang taong nakakapagpasaya sa’yo kung kahit sa anong anggulo mo tignan, mali ang relasyon nyo? Magiging masaya ka nga ba talaga sa kanya kung alam mong my naaapakan kang ibang tao? Kung mas marami ang nasasaktan dahil sa’yo?

Naniniwala akong kahit anong desisyon ang gawin natin sa kahit na anong sitwasyon, meron at meron pa ring mga taong hindi aayon satin. Meron at meron ang masasaktan natin. Ang pinakamahalagang isipin lang ay kung ano ang tama at mali.

Hindi ba mas mabuti na doon tayo sa tama kahit gaano man ito kalungkot isipin? Kahit gaano man ito kasakit tanggapin? Kasi, sa paggawa ng tama, hindi ba dun ka nagiging malaya? Yung alam mong wala kang lihim na kelangang itago. Yung hindi mo kelangan magsinungaling para pagtakpan ang isa pang pagsisinungaling mo.

Kasi sa paraang ganito, matatakot ka na kahit sa sariling anino mo. Makukulong ka sa hawla na ikaw mismo ang gumawa. Sana, matuto lang tayo na pag-isipang mabuti at makita ang pagkakaiba ng kung ano ang mali sa tama.

At sana, hindi doon magtatapos. Sana matuto tayo na piliin ang tama kahit gaano ito kahirap gawin at tanggapin gaya ng gamot na mahirap lunukin, o braces sa ngipin kaya mahirap kumain. 

Dahil kahit mahirap, masakit at kailangang magtiis, alam mo sa sarili mo na para sa ikakabuti mo rin to. 

My mga tao kasing kahit alam na nga na mali, ginagawa pa rin. Yung sasabihing, “bakit ko papakinggan ang sinasabi ng iba e sa dito ako masaya?!”

Oo nga masaya ka nga, pero kung ang kasiyahan mo ay katumbas ng pasakit sa iba, lalo na nang-aagaw ka ng asawa o jowa ng iba, magiging masaya ka nga ba talaga? Bakit hindi mo na lang antayin na maghiwalay sila bago ka umeksena?

Nakakalungkot lang talagang isipin na meron mga taong uunahing mapasaya ang sarili kesa sa kapakanan ng iba. Andami namang paraan para makaiwas sa tukso at labanan ang karupukan. 

Mas gugustuhin mo ba na panandalian kang masaya pero pag-uwi mo sa bahay mo o sa paghiga mo sa kama mo eh iiyak ka dahil yung panandaliang kasiyahan mo eh tapos na uli?

Hindi ako nanghuhusga. Alam ko ang pakiramdam ng nahuhulog sa iba kahit may karelasyon ka na. Alam ko rin ang pakiramdam ng nililigawan ng mga lalaking meron na ngang asawa. 

Kelangan mo lang talagang labanan ang tukso. O kung hindi ka na masaya sa partner mo eh di hiwalayan mo na bago ka sumabak sa panibagong gulo dahil kahit kelan, hindi maaayos ang isang problema ng panibagong problema.

Sa mga naguguluhan sa kung ano ang dapat gawin, ito lang ang tatandaan mo, malaya ka kung alam mong nasa tama ka. Alam mong nasa tama ka kung wala kang tinatapakang iba. 
 


We want to hear from you. Share your thoughts. Thanks!

Loading Facebook Comments ...

Leave a Reply

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: