Paano Mag-move on Sa Taong Paulit-ulit Kang Niloloko

Paano Mag-move on Sa Taong Paulit-ulit Kang Niloloko

Kung hahayaan mong lokohin ka, para mo na ring niloko ang sarili mo. Harapin mo na lang. Marami pang iba jan na kaya kang mahalin at hindi ka lolokohin.

Oo mahirap, kasi mahal mo. Hindi naman talaga ganon kadali. Lalo na pag hihingi na ng tawad. Iiyak, luluhod, magmamakaawa. Sasabihing wala lang yun. Ikaw ang mahal nya.

Siguro sa unang ginawa nya mapapatawad mo pa. Malay mo nagkamali lang talaga. Natukso ganon. Yung alam mong hindi naman talaga nya sinasadya. Make room for mistakes ika nga. Lahat naman talaga tayo nagkakamali.

Pero pag pinatawad mo nga at paulit-ulit nyang ginagawa dahil paulit-ulit mo ring pinapatawad, ibang usapan na un. Sa totoo lang kahit nga sa unang panloko nya sayo at pinatawad mo sya, hindi rin naman ganon kadali ang makalimot.

Maaalala at maaalala mo pa rin ang ginawa nya sayo at yung relasyon nyo, magkakaron na ng lamat yan. Mababawasan at mababawasan ang tiwala mo sa kanya. Pagmumulan ng away ang bawat tinatagong text. Kahit makita mo lang na napapangiti habang may tinitignan sa phone ay pagdududahan mo na. Kahit ibigay pa nya sayo ang password sa lahat ng social media accounts nya kahit password ng cellphone nya, meron at meron ka pa ring mga pagdududa.

Lahat naman kasi tayo naaattract sa iba. Physically. Pwede rin naman dahil sa ugali. Yung mga ugaling gusting gusto nya na sana nasayo. Tapos makakakilala sya ng taong may ganong ugali. Hindi talaga maiiwasan na maattract sya dun. Pero ang pwede nyang iwasan, yung maging close sila at tuluyan na syang ma-fall sa kanya.

Kaya wag mong isisi sa sarili mo, na kesyo pangit ka o kaya hindi ka kasi sweet sa kanya. Sya ang may problema dahil hinahanap nya sa iba kung ano ang wala sayo.

Dahil pwede ka naman nyang kausapin at sabihin sayo kung ano ang mga pangangailangan nya. Para magawan mo rin ng paraan. Kaya nga relationship eh. Kasi dalawa kayong magtutulungan para maging maayos kayong dalawa.

Ngayon, kung hahayaan nya ang sarili nya at ibaling ang nararamdaman sa iba, desisyon na nya yun. May mga tao din kasing ganyan. Gagawa ng mga kagaguhan at pag nagkabukingan na, saka hihingi hingi ng tawad sayo at ayaw ka daw mawala. Kung ayaw ka nyang mawala, sana una pa lang hindi na sya nangaliwa.

Yan na lang ang isipin mo para madali ka nang makamove-on. Kung iisipin mo pa na sayang ang ilang taong pinagsamahan nyo. Kung iisipin mo pa na mahal ka naman nya, gago lang talaga sya. Kung iisipin mo pa kung gaano mo sya kamahal at ayaw mo pa ring mawala sya sayo, talagang mahihirapan ka.

Tapusin mo na. Kumalas ka na sa isang relasyon na hindi ka naman masaya. Itigil mo na ang pagpapahirap mo sa sarili mo. Tirhan mo ng konting dignidad ang sarili mo.

At huwag na huwag mong sasabihing wala kang choice dahil meron. Malaya kang gawin anumang desisyon maisipan mo basta gustuhin mo lang.

Ang isipin mo, hindi sayang ang mga taon na naging kayo. Kapulutan mo ng aral lahat ng pinagdaanan nyo. At balang araw, makakatagpo ka rin ng taong magmamahal sayo nang tapat. Yung hindi ka lolokohin at ikaw lang ang mamahalin.

Huwag mong iisipin na baka wala ng magkagusto sayo. Huwag mong hayaang maging dahilan ng insecurities mo ang panloloko nya sayo.

Kung anuman naging kasalanan mo, anuman naging mga pagkukulang mo, patawarin mo rin ang sarili mo para makamove on ka na. Kasi isa pa to na magpapabagal sayo at magpapabigat lang lalo ng kalooban mo.

Gamitin mo lahat yan para sa susunod na relasyon mo, alam mo na ang gagawin mo. Kung magbabago ka man, for the better lang. At mas importante pa rin na tanggap ka sa buong pagkatao mo.

Meron at merong taong tatanggap sayo bilang ikaw. Tiwala lang. Ipag-pray mo yan.

Hilingin mo sa Diyos ang lahat. Lakas ng loob para malagpasan ang pinagdadaanan mo. Sana imulat Nya ang mga mata at isipan mo para maituwid mo lahat ng pagkakamali mo.

Sana bigyan ka rin ng tibay ng loob para huwag nang bumalik sa kanya kahit magmakaawa pa sya. Para sayo to. This time, sarili mo naman ang isipin mo.

At hindi darating ang taong para sayo kung patuloy kang magtitiis sa maling tao.

Paano magmove-on? Acceptance muna. Tanggapin mo muna lahat lahat. Mga mali nya, mga mali mo, na walang makakapagpabago sa kanya kundi sarili nya, na hindi talaga kayo para sa isa’t isa, na hinahanda ka lang ng Diyos para sa taong nakalaan talaga para sayo.

Pag natanggap mo na lahat yan, andali na lang magmove-on. Kaya mo yan. Anjan lang ang pamilya mo at mga kaibigan mo para suportahan ka anuman ang magiging desisyon mo.

We want to hear from you. Share your thoughts. Thanks!

Loading Facebook Comments ...

Leave a Reply

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: