Paano Maging Masaya

Paano Maging Masaya

Paano ba talaga ang maging masaya?

Minsan kasi ang gulo ng mundo.

Andaming bagay na pinapahalagahan mo, mga bagay na akala mo magpapasaya sayo.

Pero pag nasa sayo na, pag nakuha mo na, hindi ka pa rin naman masaya.

May mga taong binabalewala mo dahil anjan lang sila.

At pag nawala sila, doon mo lang marerealize ang totoong halaga nila.

Talagang nakakalito…

Yung taong mahal mo ayaw sayo.

May gustong mahalin ka pero hindi ka naman masaya sa kanya.

Minsan nga, yung taong paulit-ulit kang niloloko, yung pa yung minamahal mo nang totoo.

Yung taong hindi mo isinusuko, yun pa ang mawawala sayo.

At pag nahanap mo na yung taong totoong magmamahal sayo, saka mo naman mararamdaman na hindi pala ito ang taong totoong magpapasaya sayo.

Minsan nga, mas masaya ka pa doon sa taong nanloko sayo.

Yung paaasahin ka sa wala kaya magmomove on ka na. At pag okay ka na, nakamove on ka na, saka sya babalik para guluhin ka.

Oo maguguluhan ka kasi mahal mo pa pala.

Sabi ng kaibigan ko, kung iaasa mo ang kaligayahan mo sa isang tao, hindi ka talaga magiging masaya.

Kasi masaya ka pag masaya sya. Masaya ka pag anjan sya. Masaya ka pag mahal ka rin nya.

Pero pag malungkot sya, pag wala na sya, pag iniwan ka at hindi ka na mahal, hindi ka na rin masaya.

May kapatid akong bed ridden. Cerebral palsy ang case. Mula 7 years old sya ako na ang katabi nyang matulog. Ako nagpapakain, nagpapalit ng diaper, nagpapaligo.

Pag papasok ako sa school, yung pinsan ko naman ang magbabantay. Pwede ko syang iwan maghapon, basta sa gabi, ako ang katabi nya. Kasi hahanapin nyako.

Hanggang lahat ng decisions ko sa buhay, kelangan isaalang alang ko ang sitwasyon nya. Kung saan ako magtratrabaho, kasama sya. Kung sino ang mamahalin ko, kelangan tanggap sya.

May mga hiwalayan, may mga pagreresign, lahat para sa kanya.

Hanggang naghomebased nako. Heto ngayon nagkukwento. At pati pagpili ng mamahalin, pinili ko ang taong kaya rin magsakripisyo para samin.

Umabot ang kapatid ko ng 33 years. Sabi ng doktor hanggang 15 lang ang itatagal nya.

Sabi ng doktor, congratulations, ang haba ng naging buhay nya, ang galing nyong nag-alaga…

Salamat sa lahat ng mga papuri pero wala na ang kapatid ko. Wala na ang buhay ko. Wala na ang pinakamamahal ko.

Paano maging masaya? Hindi ko na rin alam eh.

26 years ng buhay ko sya lang ang priority ko. Sya ang buhay ko. At ngayon wala na sya, hindi ko na alam kung paano maging masaya.

Iniisip ko na lang, at least ngayon, nakakalakad na sya, malaya na sya, wala na syang sakit na nararamdaman. Mapupuntahan na nya lahat ng gusto nyang puntahan.

Doon masaya nako. Basta masaya sya kung nasan man sya, masaya na rin ako.

May point yung kaibigan ko. Wag iasa sa iba ang kaligayan mo. Kahit hindi sa tao, kahit sa mga materyal na bagay, sa magandang career, sa kawalan ng problema.

Pag nawala yung taong mahal natin, pag hindi natin nakukuha ang trabaho na gusto natin, pag wala tayong pambili ng materyal na bagay na gustong gusto nating mapasatin, hindi tayo masaya.

Puro problema diba? Kung sana walang problema, dun tayo masaya.

Pero ang problema, lagi lang naman yang anjan. May matatapos, may darating. Yung iba may solusyon pero yung iba, kelangan nalang tanggapin.

Kailangan mo lang talagang piliing masaya kahit madaming problema.

Iiyak ka pero mamaya tatawa ka na. Malungkot ka ngayon, pero mamaya, sabihin mo na lang sa sarili mo na okay lang yan, matatapos din yan. Maghihilom din yan. Makukuha mo rin yan.

Kaya mo yan.






We want to hear from you. Share your thoughts. Thanks!

Loading Facebook Comments ...

Leave a Reply

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: