Paano Tanggapin na Wala na Sya

Paano Tanggapin na Wala na Sya

Isa sa mga paborito kong dinadasal ang Serenity Prayer. Yung tungkol sa paghingi mo ng tulong sa Diyos na bigyan ka ng karunungang malaman kung ano yung pagkakaiba ng mga bagay na dapat mong tanggapin na lang at mga bagay na pwede mo pang baguhin.

Paborito ko to kasi dito ako laging sumasablay. Ito ang nagpapaalala sakin lagi kung pano ko ba dapat hinaharap ang mga problema ko.

Dun sa tapang para baguhin ang mga dapat baguhin, kayang kaya yan eh. Yung tanggapin yung mga bagay na hindi ko kayang baguhin, jan ako nahihirapan. Naniwala din kasi ako na kung meron kang gusto kailangan mo rin ipaglaban. Kailangan mo rin paghirapan.

Pero paano kung sya na yung may ayaw, ipaglalaban mo pa ba? Susukuan mo na ba sya?

Kelan ka nga ba talaga dapat nang sumuko? Na kelangan mo nang tanggapin na ayaw na nya, na tapos na kayo, na wala ng kayo, na wala na sya.

Ang hirap kasi diba? Yung mawawala na pala lahat nang ganun lang. Wala na. Tapos na. Ayaw ka na nya. At hindi na sya babalik pa.

1. Siguro yan ang unang kailangan mong marealize. HINDI NA SYA BABALIK. Wag ka ng umasa na babalik pa sya dahil kahit na baliktarin mo ang mundo, hindi na kayo ang dating kayo. Wag mo ng paasahin ang sarili mo. Dahil habang umaasa ka pa na babalik sya sayo, mas matatagalan ka lang na tanggapin ang totoo.

2. Mas madali mong matatanggap kung lalayo ka. Kung hindi ka na magpapakita sa kanya, kung hindi mo na sya tatawagan, itetext, ichachat at sa kung anumang klaseng pakikipagcommunicate pa sa kanya.

Ang hirap tanggapin kasi ito pa lang mahirap ng gawin. Gusto mo pa rin syang kumustahin, malaman ano na mga ganap nya. Pero be strong. And be firm.

3. Kailangan mong marealiaze na kahit anong klaseng pag-iingat mo, kung mawawala sya, mawawala talaga sya sayo. hindi dahil sayo kundi dahil desisyon na nya ang lumayo.

Pero hindi ko sinasabing wala kang kasalanan. Lahat naman tayo nagkakamali. Lahat tayo may mga pagkukulang. Pero hindi yan sapat na dahilan para sisihin mo ang sarili mo at madepress ka na nang tuluyan.

4. Isipin mo na lang lahat ng pangit sa kanya. Lahat ng mga kagaguhan nya, mga betrayals nya sayo, mga pang-aaway nya sayo, mga masasakit na salitang binitawan nya na pagpapakita na ng kawalan ng respeto.

Pero wag mo namang gawing hobby ang pagpapakanega na madadala mo na ito sa lahat ng bagay. Wag mong gawing lifestyle ang pagiging bitter.

5. At ang pinakahuli, hanapan mo ng magandang kabuluhan ang pag-iwan nya sayo.

Sakin dati nung iniwan ako, wala akong ginawa kundi magbasa ng mga quotes sa facebook. Dun gumagaan ang pakiramdam ko. Hanggang sa nakikicomment na rin ako. At madaming pumupuri sa mga comments ko.

Kaya naisipan ko na ring gumawa ng fanpage. Nagsusulat ako ng mga love quotes at short poems. Dun ko binubuhos lahat ng sakit, lahat ng galit, lahat ng nararamdaman ko, lahat ng gusto kong gawin para makamove on na ako.

Hanggang sa dumami ang mga nakakabasa, may mga nanghihingi na rin ng payo. Kaya gumawa na rin ako ng blog. Nagumpisa akong magsulat ng mga tula, mga sulat na para sa kanya, mga payo na rin para sa iba.

At ngayon kumikita kahit papano at ngayon masasabi ko na may magandang naidulot ang lahat ng iyak ko. Hindi lang yung sarili ko ang natulungan ko, nakatulong pako sa iba na kapareho ng pinagdaanan ko.

Sa lahat naman ng bagay na dumating satin, meron at merong magandang kahihinatnan yan kung pipiliin mo lang talagang hanapin yan sa sarili mo.

Hindi mo na mababago ang desisyon nya. Kaya ikaw na ang magdecide na magbago. Baguhin mo ang sarili mo para sa ikabubuti mo hindi para pag nakita ka nya eh pagsisisihan nya ang pang-iwan nya sayo.

Magbabago ka at magiging maganda lalo ang buhay mo para sayo at hindi para sa kanya kasi wala na sya at hindi na sya babalik pa.

We want to hear from you. Share your thoughts. Thanks!

Loading Facebook Comments ...

Leave a Reply

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: